Wikang Filipino sa Kontemporaryong Panahon at sa Mundong pinag-ugnay ng Internasyonalisasyon at Globalisasyon

Ian Carlo N. Dumayas

 Wika ang nagbubuklod at nag-uugnay sa atin bilang isang nasyon. Ito rin ang nagbibigay ng pagkakilanlan sa isang partikular na bansa at ng mga mamamayan nito. Maging ang ating sibilisasyon ay binibigyang buhay rin ng wika.

Kung ating pagtutuunan ng pansin ang wikang Filipino sa kasalukuyang panahon, hindi maitatanggi na marami sa mga Pilipino ang isinasantabi na lamang ang kahalagahan nito bagaman itinuring na pambansang wika. Marahil ay naging dahilan ang pag-usbong ng idustriyalisasyon, pagbukas ng pandaigdigang kalakalan at patuloy na pagbunsod ng modernong mundo na inudyukan ng makabagong teknolohiya. Ngunit paano nga ba mapapaunlad ang wikang Filipino na siyang wikang kasarinlan natin kung pumapangalawa na lamang ito sa ating bansa sapagkat Ingles ang ating inaaral bilang pangunahing wika?

Karamihan sa mga kabataan ngayon ay mas bihasa sa paggamit ng Ingles kaysa sa wikang Filipino lalo na at Ingles ang pangunahing lenggwahe na ginagamit sa mga paaralan. Hindi man malinaw ang sistema ng pagtuturo ng wika sa Pilipinas sapagkat Ingles ang madalas na medyum ng komunikasyon, wikang panturo pati na rin ang wikang ginagamit sa pan-akademikong diskusyon, mahalaga pa rin na malaman natin ang makabuluhang naging kontribusyon nito sa internasyonalisasyon at globalisasyon.

Noon pa man, sa pamamagitan ng kalakalang Galyon, ang unang anyo ng globalisasyon, ay mas napayaman pa ng ating bansa ang wikang Filipino. Marami sa kababayan natin noon ang pumupunta sa ibang nasyon upang makipagpalitan ng kalakal, dala nila sa kanilang paglalakbay ang ating wika at kultura na naging daan para makilala at maging internasyonalisado ang wikang Filipino. At hanggang ngayon ay pinag-aaralan ang ating pambansang wika sa ilang mga prestihiyosong paaralan sa iba't ibang panig ng mundo. Ito ay nagpapatunay na ang wikang Filipino ay wikang intelektuwal. Kailangan na maging aktibo tayo sa paggamit ng sarili nating wika sapagkat ang wika ay hindi natural, ito ay pinag-aaralan sa gayong dahilan ay mas mapalawak at mapayabong pa natin ito. Walang masama kung gusto natin na matuto ng mga banyagang lenggwahe, pero huwag lamang natin talikuran ang wikang ating pagkakilanlan, ang wika na siyang nagbibigay sa atin ng identidad bilang isang mamamayang Pilipino.

Sa kabila ng hindi maiwasang impluwensya sa atin ng teknolohiya at modernisasyon, kahit papaano ay nakakatuwang isipin na hindi tuluyuang naglalaho ang pagpapahalaga sa wikang Filipino ng ilan sa ating mga Pilipino. At sa gitna ng makabagong mundo kung saan marami ang nahahalina sa wika ng ibang bansa, naroon parin ang patuloy na pag-angat ng mga OPM's, mga orihinal at klasikong panitikan ng Pilipinas at pati na rin ang iba't ibang panitikang popular sa mundo na isinalin sa wikang Filipino.  Aminin natin na malaki ang naitulong ng modernong pagpapayahag gaya ng iba't ibang mga platforms ng social media sa pagbabahagi at pagtaguyod ng wikang Filipino.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Konsiderasyon sa Mabisang Komunikasyon

INTERNASYOLISASYON AT GLOBALISASYON

KOMUNIKASYON