Critical Perspective in Communication - Transisyon ng Komunikasyon

Ian Carlo N. Dumayas

Sa paglipas ng ilang daang siglo ay nagbabago ang paraan ng tao sa pakikipag-komunikasyon dulot na rin ng unti-unti nating pag-unlad tungo sa modernong mundo at pagsulong ng makabagong teknolohiya. Mula sa orality na siyang pinakauna at naging batayan na anyo ng wika noon ay dumaan tayo sa tatlo o higit pang kapanahunan ng komunikasyon. Noon ay pasalin-dila lamang ang pagbabahagi ng komunikasyon at sa pagdaan ng ilang taon ay mas naging progresibo ito nang pumasok ang panahon ng literacy. Sa ikalawang yugto na ito ay naitala na ang anumang impormasyon at ideya na ipinapasa sa isang henerasyon at sa sunod pang henerasyon sa pamamagitan ng panitikan. Naimbento sa panahong ito ang alpabeto, mga simbolo at iba pang representasyon na sumusuporta sa komunikasyong pasalita. Ayon kay Walter Ong, sa pag-unlad ng orality at literacy ay nabago nito ang pag-uugali at kamalayan ng tao.

 

Naging rebolusyonaryo ang kapanahunan ng komunikasyon nang pumasok ang panahon ng paglimbag at paglathala. Ang pagbahagi ng impormasyon sa pahanong ito ay makatotohanan at may kalakip na mahusay na pananaliksik. Kinalaunan ay sumunod naman ang electronic epoch na kung saan ay naipapadala ang isang mensahe sa pamamagitan ng elektronikong kable tulad ng telegraph at telepono. Dito rin nagsimula ang mass media o malawakang pagbabahagi ng komunikasyon sa pamamagitan ng telebisyon at radyo. Dahil dito ay mas napadali ang paghatid ng anumang impormasyon na hindi nagiging hadlang ang distansya.

 

Sa kasalukuyang panahon kung saan tayo ay nasa digital age na, nasa dulo lamang ng ating daliri ang anumang impormasyong gusto nating makuha sa pamamagitan ng internet at ang pakikipagkomunikasyon ay napakadali lamang dahil sa online medium. Hindi maitatangging malaki ang naitulong ng makabagong pamamaraan ng komunikasyon sa patuloy na pagtaguyod ng edukasyon sa gitna ng krisis na kinakaharap hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa rin. Subalit bilang isang estudyanteng nag-aaral ng kursong automotive, hindi sapat ang teoritikal na kaalamang naibibigay ng kasalukuyang pamamaraan ng pag-aaral. Mahalaga sa kursong napili ko ang praktikal at hands-on na pagsasanay sa pagsuri, pagkumpuni at pagpapanatili ng elektrikal at mekanikal na kondisyon ng isang sasakyan. Nangangailangan ito ng masusi, kritikal at aktwal na obserbasyon para sa mabisa at progresibong pagkatuto nang sa ganoon ay may sapat kaming kumpiyansa sa kakayahan na kakailanganin sa magiging trabaho namin sa hinaharap.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Konsiderasyon sa Mabisang Komunikasyon

INTERNASYOLISASYON AT GLOBALISASYON

KOMUNIKASYON